The Philippine Crusade for the Defense of Christian Civilization

Isang Nagaalalang Pagsusumamo Bilang Anak sa Kanyang Kabanalan Papa Leo XIV
Isang Nagaalalang Pagsusumamo Bilang Anak sa Kanyang Kabanalan Papa Leo XIV
The Philippine Crusade for the Defense of Christian Civilization

Noong ika-16 ng Setyembre, isang “Nag-aalalang Pagsusumamo Bilang Anak kay Kanyang Kabanalan Leo XIV” ang ipinadala, na sumusunod sa yapak ng katulad na “Pagsusumamo Sa Kanyang Kabanalan Papa Francisco tungkol sa Hinaharap ng Pamilya” na iniharap sampung taon na ang nakalilipas, noong ika-29 ng Setyembre, 2015.
Noong panahong iyon, ang Pagsusumamo, na nilagdaan ng mahigit 800,000 katao, kabilang ang 211 prelado mula sa mga kardinal at obispo, ay nanawagan kay Papa Francisco na pagtibayin ng malinaw ang palagiang turo ng magisteryong Katoliko upang “pagtagumpayan ang lumalaking pagkalito sa mga mananampalataya” at upang pigilan ang “ pagwawalang bahala sa turo ni Hesukristo.” Ito ay bilang tugon sa mga bulung-bulungan na nagmumungkahi na maaaring baguhin ang doktrina ng Simbahan sa ilang mga bagay, tulad ng Komunyon para sa mga diborsiyado at muling nagpakasal at maging ang bagong moral na pagkilala sa homoseksuwalidad.
Pagkalipas ng sampung taon, sa harap ng tahasang pagsalakay ng mga naghahangad ng moral na lehitimasyon ng mga relasyon at unyong homosekswal—isang opensiba na lubhang kapansin-pansin sa pilgrimahe ng LGBT ng Tenda di Gionata patungo sa Banal na Pintuan ng Basilika ni San Pedro at sa iba’t ibang magkakaugnay na mga kaganapan—isang pangkat ng 25 asosasyon na pinangunahan ang papel sa pagsulong ng naunang inisyatiba ang ngayon ay humaharap kay Papa Leo, na magalang na humihingi sa kanya na kumpirmahin at muling patunayan ang walang-hanggang turo ng Simbahan gaya ng ipinahayag sa Katesismo, na ang gayong mga relasyon ay “lantaran at likas na masama,” na inilalarawan sila ng Banal na Kasulatan bilang “mabigat na kasalanan.”
Ang Nag-aalalang Pagsusumamo Bilang Anak Kay Papa Leo ay itinuturing na kailangan dahil sa mga panggigiit mula sa maraming prelado at teologo—na binabanggit sa teksto—sila na nakatuon sa pagbabago ng doktrina ng Simbahan, hindi lamang sa wika kundi maging sa pinakalaman nito, sa pamamagitan ng pagkilala sa mga makasalanang gawain bilang positibo at maging ang pagtingin sa mga ito bilang larawan ng sariling eukaristiyang pag-aalay ni Kristo.
Sa harap ng mga aksyon ng makapangyarihang pamumulitika na ito at bilang pagsasa-alang-alang sa kamakailan at nakapupukaw na mga salita ni Papa Leo tungkol sa tungkulin ng mga Katoliko na manatiling sumangayon sa katotohanang Katoliko maging sa buhay publiko, ang mga nakalagda ay nananawagan ng isang malinaw na salita mula sa kanya upang pawiin ang pagkalitong lumitaw sa hindi mabilang na mga mananampalataya kasunod ng mga kamakailang kaganapan sa Roma na kinasasangkutan ng komunidad ng LGBT. Ipina-aalala nila na, bagamat lehitimong magparaya sa mga sekundaryong bagay upang makamit ang pagkakaisa, ito ay nagiging di katangap-tangap kapag isinasakripisyo ang katotohanan.
Ginagamit ng mga lumagda ang pagkakataong ito upang magalang na himukin ang Papa, bukod sa pagpapatibay sa di nagbabagong magisteryo tungkol sa homoseksuwal na pagaasal, na gumawa ng mga hakbang upang itama ang lahat, na dahil sa pangangaral na Amoris Laetitia at ng Deklarasyon na Fiducia Supplicans, ay nagbunga sa malaking pagkalito tungkol sa parehong turo at pagsasanay ng Katolikong moralidad.
Ang teksto ng liham ay sumusunod.
Roma, Setyembre 2025

Kabanal-banalang Ama,
Alinsunod sa Inyong kamakailan at mapalad na mga pahayag sa pagtatanggol ng pamilya, at patuloy na paninindigang dapat panatilihin ng mga Katoliko sa pampublikong buhay ang pagtataguyod ng mga prinsipyo ng Pananampalataya, ang mga nakalagda—na siyang mga tagapagmana ng kaisipan at gawa ng dakilang pinunòng Katolikong Brasilenyo na si Plinio Corrêa de Oliveira—ay mapitagang lumalapit sa Inyong Kabanalan upang ihayag ang kanilang mga pangamba hinggil sa kinabukasan ng pamilya.
Noong taong 2015, kami ay nagsumamo kay Papa Francisco sa pagitan ng dalawang Sinodo tungkol sa Pamilya upang ilantad ang pagsasanib-puwersa ng mga makapangyarihang kapisanan, lakas pulitikal, at mga midyang nagtataguyod ng tinatawag na ideolohiyang pangkasarian. Ang ideolohiyang ito’y nagsilbing tatak ng pahintulot sa isang rebolusyong seksuwal na pumapanig sa mga kaugaliang laban sa batas ng kalikasan at ng Diyos. Higit pang nakakabahala, ay aming nasaksihan ang isang laganap na kalituhan sa mga Katoliko, “na nagmumula sa posibilidad na mayroong siwang na nabuksan sa loob ng Simbahan na tatanggap sa pakikiapid—sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga diborsiyado at muling nagpakasal sa sibil na tumanggap ng Banal na Komunyon—at halos magbibigay-daan maging sa mga homoseksuwal na pagsasama.” Dahil dito, kami ay taimtim na humiling kay Papa Francisco “na liwanagin ang lumalaking kalituhan sa hanay ng mga mananampalataya” at hadlangan “na ang mismong pinakaturo ng Panginoong Hesukristo ay maluwagan.” ¹
Sa pakikipag-isa ng ibang mga entidad sa koalisyong tinaguriang Supplica Filiale al Papa Francesco sul futuro della Famiglia* (“Apela Bilang Anak sa Kabanal-banalang Papa Francisco hinggil sa Kinabukasan ng Pamilya”), nakalap namin ang 858,202 lagda, na ipinagkaloob sa Banal na Sede noong ika-29 ng Setyembre, 2015, halos sampung taon na ang nakalilipas.
Kabilang sa mga lumagda sa Apela Bilang Anak ay 211 na mga prelado (mga kardinal, arsobispo, at obispo), isang malaking bilang ng mga pari at relihiyoso, at di-mabilang na mga bantog na layko mula sa Kanluran at sa iba’t ibang panig ng daigdig. Sa kanyang pananalita sa kolokyum na pinamagatang “Catholic Church: Where Are You Going?”, na idinaos sa Roma noong ika-7 ng Abril, 2018, binanggit ni Kardinal Walter Brandmüller ang aming petisyon bilang isa sa pinakamalinaw na tanda ng “consensus fidei fidelium”, na ginagampanan ang papel bilang pampalakas upang mapanatiling masigla ang Simbahan laban sa kamalian.
Subalit, sa labis na dalamhati ng aming mga puso, napansin naming, sa halip na tugunan ang makatarungang kahilingan ng kawan, ang Inyong hinalinhan sa Luklukan ni Pedro ay lalo pang pinalala ang sitwasyon. Sa unang dako, sa pamamagitan ng pagmamalabis na pagpapahintulot sa mga diborsiyado at muling nagpakasal sa sibil na tanggapin ang Banal na Eukaristiya, sa bisa ng talababa 351 ng Amoris Laetitia, at sa pagbibigay ng pontipikal na pagsang-ayon sa paliwanag para dito ng mga obispo sa Rehiyong Pastoral ng Buenos Aires. Sa kabilang dako, sa pamamagitan ng mga pahayag at asal na nagbigay-lehitimo sa mga homoseksuwal na pagsasamang sibil, na humantong sa kasukdulan sa pamamagitan ng tinaguriang “pastoral na pagbabasbas” na pinahintulutan sa Deklarasyong Fiducia Supplicans, noong ika-18 ng Disyembre, 2023, at nilagdaan ng prepecto ng Dikasteryo para sa Doktrina ng Pananampalataya.
Mula noon, ang kalagayan ay patuloy pang lumalala, higit sa lahat hinggil sa pagtanggap sa mga homoseksuwal na relasyon. Dumami ang mga pahayag mula sa matataas na prelado na humihiling na baguhin ang turo ng Simbahan, kasama na ang pagbabago ng mga talata sa Katesismo ng Simbahang Katoliko na nagsasaad na ang homoseksuwal na pagkahilig ay “lantarang di-wasto,” at na ang mga gawaing homoseksuwal ay “likas na masama,” at kinikilala ng Banal na Kasulatan bilang “mabigat na kasalanan.”
Bagama’t tila gumagamit ng banayad na pananalita, may ilang mga prelado at teologo ang tahasang nang hinihiling ang pagsantabi sa tinatawag na mga moralistikong pagkiling na ginagawang makasaysayan ang mga sitwasyon, ang pagbabago sa dalawang-libong taong wika ng Simbahan, at ang pag-aangkop nito sa makabagong panahon. Ito ang pananaw, halimbawa, nina Kgg. Francesco Savino, pangalawang pangulo ng Kapisanan ng mga Italyanong Obispo ²; Arsobispo Hervé Giraud ng Pransiya ³; at Kardinal Jean-Claude Hollerich, arsobispo ng Luxembourg. Ang huli ay nangahas pa ngang sabihin na ang turo ng Simbahan hinggil sa homoseksuwalidad ay “mali,” sapagkat umano’y wala nang bisa ang batayang sosyolohikal at makaagham nito. ⁴
Gayundin sina Sor Jeannine Gramick ⁵ at Padre James Martin ⁶, na nagnais alisin ang mga katagang likas na masama at nagmungkahi ng mga kapalit na salita na may layuning gawing katanggap-tanggap ang isang bagay na hindi kailanman maaring tanggapin. Ganoon din ang “German Synodal Path” na tumatawag sa pagbabago sa Katesismo upang ito’y umayon sa “human science,” na siyang katumbas ng pagsasabi na may higit na awtoridad ang makabagong mundo kaysa sa Diyos. ⁷
Sa kasamaang-palad, may ilan pang nais higitan ang gayong mga mungkahi, at hindi lamang mga salita ang nais baguhin, kundi pati na ang mismong pagsasabuhay ng katuruang moral ng Simbahan. Halimbawa, itinatanggi ni Kardinal Robert W. McElroy na ang mga kasalanang seksuwal ay lubhang mabigat, at sa gayo’y inilalatag ang daan patungo sa lehitimasyon at normalisasyon ng kahalayan. ⁸ Bukod pa rito, kanyang pinanindigan na ang “radikal na unyon” ng mga homoseksuwal ay dapat maging sakramental, ibig sabihin, ang pamumuhay na hayagang laban sa utos ng Diyos ay hindi magiging hadlang sa pagtanggap ng kapatawaran at ng Banal na Eukaristiya. ⁹ Si Kardinal Timothy Radcliffe, matapos niyang ipahayag na ang turo ng Simbahan ay “tama at mabuti,” ay hinaluan ito ng marupok na kahulugan sa pagsasabing kinakailangang unawain ito sa naaayong kulay.” ¹⁰ Sa gayong pananalita, inulit niya ng pasaring ang nauna nang binanggit sa Pilling Report, na ang mga homoseksuwal na pagsasama ay maaaring maunawaan sa susi ng Eukaristiya, bilang imahe ng “pag-aalay ng sarili ni Kristo” sa Banal na Komunyon. ¹¹
Si Padre Ewald Volgger, teologo mula sa Austria, ay ipinipilit ang ganitong linya ng pag-iisip, at sinasabi niyang ang mga homoseksuwal na pagsasama ay larawan ng banal na pagmamalasakit ng Diyos sa tao, at dahil dito’y dapat silang basbasan. ¹² Si Daniel Bogner naman, isang teologong Suwiso, ay tahasang sinisira ang sakramento ng kasal, sa pagsasabing kinakailangan itong bigyan ng bagong kahulugan, at kalasin mula sa “balat ng kawastuan,” upang hindi madiskrimina ang mga iregular at homoseksuwal na pagsasama. Aniya, kinakailangang wakasan “ang mahigpit na pagkakatali sa biyolohikal na kasarian at sa kinakailangang heteroseksuwalidad ng mag-asawa,” yamang “hindi kailangang maunawaan ang pagkakaroon ng anak sa makitid na pananaw ng biyolohikal na reproduksiyon.” ¹³
Sa harap ng lahat ng ito, Kabanal-banalang Ama, hindi namin maiwasan kundi kilalanin na, sa ilalim ng mapagkunwaring anyo ng awa at pag-angkop sa agham, mayroong mga puwersang nagsisikap na baguhin ang Pananampalatayang Katoliko alinsunod sa makamundong kapusukan, at sa gayo’y di na ito makilala.
At sa ganitong kalagayan ng lantarang pagsalakay upang ipilit ang pagtanggap sa homoseksuwal na pagsasama, lubhang nakagugulat na makita na, sa ngalan ng pagkakamit ng mga indulhensiya ng Jubileo, ang mga pangkat na tahasang nagpapahayag ng gayong mga kamalian ay pinagkalooban ng pagkakataon na lantarang makita ng karamihan. Pinahintulutan silang magprusisyon patungo sa Basilika ni San Pedro, tangan ang isang krus na bahaghari. At ang lalong malala, bago ang parada ng karangyaan homoseksuwal na ito, pinangunahan ito ng pakikipagpulong kay Padre Martin, na pagkatapos ay ibinintang sa Inyong Kabanalan ang mga salitang umano’y nagbigay-sigla sa kanyang aktibismo sa ngalan ng kilusang L.G.B.T. Gayundin, ipinahayag ni Obispo Francesco Savino, sa pagtatapos ng kanyang homiliya sa Simbahan ng Gesù, na sinabi raw ng Inyong Kabanalan sa kanya: “Humayo ka at ipagdiwang ang Jubileo na inorganisa ng Jonathan’s Tent at ng iba pang mga kapisanang nagmamalasakit sa [inyong homoseksuwal na] mga kapatid.” ¹⁴
Nakikita namin na ang ilan sa mga nakapangingilabot na pangyayaring ito (at iba pang nakatakda pang isakatuparan) ay inihanda ng mga kagawaran ng Banal na Sede noong nakaraang pontipikado, at na ang Inyong Kabanalan, marahil sa pagnanais na mapanatili ang pagkakaisa ng Simbahan, ay tila nagsusumikap na unti-unting baguhin ang oryentasyon ng Kurya Romana. Gayunpaman, habang marapat lamang na magparaya sa mga bagay na di-mabigat alang-alang sa pagkakaisa, hindi makatuwirang isakripisyo ang katotohanan. Sapagkat, gaya ng itinuro ni San Agustin, ang paggawa ng katotohanan ay hindi lamang sa pagsasabi ng totoo, kundi sa pagsasabuhay nito sa harap ng maraming saksi. ¹⁵
Isang malaking pag-asa ang sumibol sa puso ng milyun-milyong Katoliko nang, sa pagdiriwang ng Jubileo ng mga Pamilya, binanggit ng Inyong Kabanalan ang ensiklikal na Humanae Vitae at iginiit, “Ang pag-aasawa ay hindi isang ideyal, ngunit ang sukatan ng tunay na pag-ibig sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.” ¹⁶ Ang pahayag na ito ay umalingawngaw sa inyong talumpati sa Diplomatic Corps, kung saan inulit ninyo na ang pamilya at ang pag-asa ay “nakabatay sa matatagtag na pagsasama sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.” ¹⁷ Gayunman, ang pag-asang ito ay napapalitan ng pangamba dahil sa takot na, gaya ng sa nakaraang pontipikado, ang kongkretong asal pastoral ay magpapatuloy na iwawaksi sa gawa kung ano ang itinuturo sa teorya.
Ang pangambang ito ang nagtutulak sa amin upang muling buhayin ang kahilingan na aming ipinahayag sa aming Apela Bilang Anak Sa Kanyang Kabanalan Papa Francisco noong 2015.
Siyang tunay, na ang isang salita mula sa Inyong Kabanalan lamang ang tanging paraan upang liwanagin ang lumalaganap na kalituhan sa hanay ng mga mananampalataya. Mapipigilan nito ang mismong turo ni Hesukristo na malabnawan at makapagtataboy sa kadilimang nagbabantang lumukob sa kinabukasan ng aming mga anak kung sakaling ang ilaw na iyon ay hindi na gagabay sa kanilang landas.
Banal na Ama, kami ay mapagpakumbabang nagsusumamo na inyong bigkasin ang salitang ito. Ginagawa namin ito nang may pusong nag-uukol ng katapatan sa lahat ng inyong katauhan at kinakatawan. Ginagawa namin ito na may katiyakan na kailanman ang inyong salita ay hindi magbubukod sa gawaing pastoral mula sa turo na iniwan sa atin ni Hesukristo at ng kanyang mga kahalili—sapagkat ito ay lalo lamang makapagdudulot ng kalituhan. Sapagkat tunay ngang malinaw na itinuro ni Hesus sa atin na dapat may pagkakaisa sa pagitan ng buhay at katotohanan (cf. Juan 14:6–7); at binalaan din Niya tayo na ang tanging paraan upang hindi mahulog ay isabuhay ang Kanyang doktrina (cf. Mateo 7:24–27). ¹⁸
Buong tapang at paggalang din naming idinadagdag ang dalawang natatanging kahilingan na magbibigay-linaw sa muling pagtutuwid ng gawi ayon sa tradisyonal na turo ng Simbahan.
Kami’y taimtim na nakikiusap na inyong ipawalang-bisa ang reskriptong inilabas ni Papa Francisco noong ika-5 ng Hunyo, 2017, na nagkaloob ng natatanging halagang magisteryal sa heterodoksong pagkilala sa mga kalabuan ng Amoris Laetitia, at na inyong muling ipahayag nang malinaw na ang mga diborsyado at muling nagpakasal sa sibil at namumuhay nang *more uxorio* ay hindi maaaring tumanggap ng sakramental na absolusyon ni, bilang hayagang makasalanan, ng Banal na Komunyon.
Kami’y mapagpakumbabang nagsusumamo rin na inyong bawiin ang Deklarasyong Fiducia Supplicans at muling pagtibayin ang pagbabawal sa pagbibigay ng anumang basbas sa mga pares na homoseksuwal, gaya ng itinatag sa Responsum ng Kongregasyon para sa Doktrina ng Pananampalataya noong ika-22 ng Pebrero, 2021, ukol sa isang dubium hinggil sa pagbabasbas sa mga kaparehang magkasingkasarian.
Habang kami’y nagsusumamo sa inyong apostolikong pagbabasbas, aming tinitiyak sa inyo ang aming mga panalangin sa Mahal na Ina ng Mabuting Payo at kay San Agustin. Nawa’y kanilang liwanagan ang Inyong Kabanalan sa maselang simula ng inyong pontipikado, kung saan kayo ay di-sinasadyang maharap sa isang pamanang puno ng kalituhan at hidwaan na mahirap pagkasunduin.
Ika-15 ng Setyembre, 2025
Kapistahang Litúrghiko ng Mahal na Ina ng Hapis
(Para sa Ingles na pagsasalin ng liham na ito, i-click ang link na ito)
"Filial Appeal to His Holiness Pope Francis on the Future of the Family," TFP.org, accessed Sept. 13, 2025, https://www.tfp.org/magazines/filialpetition.pdf
See Bruno Volpe, “Mons. Savino, il ‘Giubileo’ LGBT e la falsa misericordia,” Infobreak.it, Sept. 1, 2025, https://www.infobreak.it/mons-savino-il-giubileo-lgbt-e-la-falsa-misericordia/
See Marguerite de Lasa and Malo Tresca, “Homosexualité: dans l’Église de France, des initiatives pour faire bouger le discours,” La Croix, Mar. 3, 2023, https://www.la-croix.com/Religion/Homosexualite-lEglise-France-initiatives-faire-bouger-discours-2023-03-03-1201257664
Ludwig Ring-Eifel, "Er wird sicher für sich den richtigen Weg finden," Domradio.de, Feb. 22, 2022, https://www.domradio.de/artikel/kardinal-hollerich-spricht-ueber-reformen-und-woelki
See Jeannine Gramick, “Will Actions Affirm Pope Leo's Words on LGBTQ+ People?” National Catholic Reporter, Sept. 4, 2025, https://www.ncronline.org/opinion/guest-voices/sr-jeannine-gramick-asks-will-actions-affirm-pope-leos-words-lgbtq-people
See Gerald E. Murray, “Father James Martin Proposes an Alternate Catechism,” National Catholic Register, Jul. 10, 2017, https://www.ncregister.com/features/father-james-martin-proposes-an-alternate-catechism
Der Synodale Weg, “Umgang mit geschlechtlicher vielfalt,”Frankfurt.bistumlimburg.de, accessed Sept. 13, 2025, https://frankfurt.bistumlimburg.de/themen/synodaler-weg-erklaert/news/2023/umgang-mit-geschlechtlicher-vielfalt
See Ashley McKinless and Zac Davis, “Cardinal McElroy: Sex and Sin Need a New Framework in the Church,” Jesuitical podcast, America, Feb. 3, 2023, https://www.americamagazine.org/faith/2023/02/03/cardinal-mcelroy-inclusion-sexualty-244650/
Robert W. McElroy, “Cardinal McElroy on ‘Radical Inclusion’ for L.G.B.T. People, Women and Others in the Catholic Church,” America, Jan. 24, 2023, https://www.americamagazine.org/faith/2023/01/24/mcelroy-synodality-inclusion-244587/
“Cardinal Radcliffe: Church Can Learn ‘A Bit of Truth’ From LGBTQ+ Catholics,” ClericalWhispers.blogspot.com, Dec. 20, 2024, https://clericalwhispers.blogspot.com/2024/12/cardinal-radcliffe-church-can-learn-bit.html
Joan Frawley Desmond, “Father Timothy Radcliffe’s Designation as Synod on Synodality’s Retreat Master Stirs Anxiety,” National Catholic Register, Jan. 27, 2023, https://www.ncregister.com/news/father-timothy-radcliffe-s-designation-as-synod-on-synodality-s-retreat-master-stirs-anxiety
See Josef Wallner, “Mehr als ein normaler Segen,”Kirchenzeitung.at, Apr. 28, 2020, https://www.kirchenzeitung.at/site/themen/gesellschaftsoziales/mehr-als-ein-normaler-segen
Daniel Bogner, “Theologian: We Need a Marriage Sacrament for the ‘Field Hospital,’” English.katholisch.de, Feb. 12, 2024, https://english.katholisch.de/artikel/51022-theologian-we-need-a-marriage-sacrament-for-the-field-hospital
Innocenzo, “Mons. Savino: ‘facciamo camminare la Speranza in tempi oscuri’” Gionata.org, Sept. 10, 2025, https://www.gionata.org/mons-savino-facciamo-camminare-la-speranza-in-tempi-oscuri/
See St. Augustine, The Confessions of Saint Augustine, trans. E. B. Pusey, Gutenberg.org, bk 10, ch. 1, § 1, accessed Sept. 13, 2025, https://www.gutenberg.org/files/3296/3296-h/3296-h.htm#link2H_4_0010
“Homily of the Holy Father Leo XIV,” Vatican.va, June 1, 2025, https://www.vatican.va/content/leo-xiv/en/homilies/2025/documents/20250601-omelia-giubileo-famiglie.html
“Audience to the Members of the Diplomatic Corps Accredited to the Holy See,” Vatican.va, May 16, 2025, https://www.vatican.va/content/leo-xiv/en/speeches/2025/may/documents/20250516-corpo-diplomatico.html
“Filial Appeal to His Holiness Pope Francis.” (Emphasis in the original.)
We use cookies to analyze website traffic and optimize your website experience. By accepting our use of cookies, your data will be aggregated with all other user data.